<body>

Dilemma
Friday, December 01, 2006


Nitong mga huling araw hindi ko alam kung matutuwa ako o masasaktan sa mga nalalaman ko mula sa iyo. Hindi naman sa ayaw kong nakakarinig ng mga bagay tungkol sa mga nangyayari sa iyo riyan. Ang totoo nga ay masaya ako na sinasabi mo sa akin ang totoo.

Napakasenti ko lang na ang pinapakinggan ko e Mahal Naman Kita, 'yung theme sa A Rosy Life. Ewan ko ba, sabi ko nga kay Pangga e ang lakas ng dama ko kay Betsy. Hay at heto na naman po tayo, ang alipin ng mga koreanovela. Ang kaliluhan nga naman ng telebisyon.

Katatapos lang nating mag-usap, late ka na nga sa trabaho e. Ang kulit mo kasi, sabi ko pumasok ka na ang kulit mo. Hindi mo pa nga yata naisusulat 'yung two-week notification something mo. Gustuhin man kitang i-draft hindi ko magawa dahil mismong draft ko di ko pa naisusulat at pakiramdam ko minumura na ako ng editor ko.

Minsan napapaisip ako, parang bukod sa pinaglayo tayo ng distansya parang magkalayo talaga tayo. Marami pa rin tayong mga bagay na hindi pinagkakasunduan, hindi katulad noong hayskul, di ba? Natatandaan mo, parang ang pinakamalaking away natin nun e tungkol sa ballpen. Kaya nga sabi ko sa Nanay hindi ko pa makita 'yung tayong dalawang magkasama na higit pa sa pagiging best friends kasi nga hindi naman tayo nakakaranas ng away na mabigat. Pareho kasi tayong magaan nun, walang masyadong iniisip, patawa lang sa buhay. Sakay-sakay lang.

Iba na ngayon.

Nawala ako, nawala ka rin. Lagi mong banat sa akin, nawala ako nung mga panahong kailangan mo ako. Totoo, kasi ipinagpalit kita sa pag-ibig na akala ko'y totoo. Hindi ko rin naisip na kahit anong oras magagawa n'ya talaga akong iwan. Nabulagan. 'Yun nga siguro. Ewan ko, kalokohang hindi ko naisip na ikaw, hindi na kita mapapalitan. Sabi nga ni Oca, "tanga-tanga".

Kung kailan ako bumalik, ikaw ang umalis. Ganunpaman, masaya ako na hindi mo tinalikuran ang pinagsamahan natin, di tulad ng ginawa ko. Halos araw-araw may kwento ka, mabuti hindi napuputol ang mga pag-uusap natin. Ayokong dumating ang araw na makakaligtaan at katatamaran na nating tawagan ang isa't isa at sikaping makinig sa bagong kwentong mayroon tayo para lamang sa ating dalawa.

Masaya ako na nagsasabi ka ng totoo. Pinipili ko ang matuwa kaysa ang masaktan.


--kirika--
8:33 AM


Suko
Friday, November 10, 2006


Hindi ko alam kung nananadya ka, hindi ko rin alam kung ano ang iisipin. Natatakot ako, hindi ko rin alam kung tama ang nararamdaman ko.

Para bang walang kasiguraduhan, para bang ang pagbalik mo, ang muling pagyapos ko sa iyo, ang muling paghagkan ko sa iyo.

Natatakot ako.

Ito lamang ang alam ko.

Nagtampo ka nung nakita mo ang status ko sa friendster pero nang palitan ko at tingnan ang sa iyo, wala namang kahit anong nangyari.

Ikaw pa rin iyan.

Malaya.

Wala akong alam sa mga dapat kong gawin, ang tanging alam ko ay ayoko na mag-away tayo.

Sinabi mong papalitan mo rin. Ako ay umaasa, naghihintay.

Hindi ko tuloy malaman kung niloloko mo lang ako o kung talagang ayaw mo lang na malaman ng iba.

Mangyayari rin ba sa atin ang nangyari sa pagitan mo at ng babaeng buong buhay mong pinangarap?

Itutulad mo ba ako, tayo sa kaniya? Sa inyo?

Sagutin mo ako.

Tulungan mo akong intindihin ka.

Hindi kita maintindihan.


--kirika--
8:37 AM


Praning
Monday, October 30, 2006


Sabi ni Waybet napapraning na raw ako. Masyado ko raw pinag-iiisip ang mga bagay-bagay na hindi naman dapat pinuproblema.

Tulad ng pagliban natin sa chat kanina. Hinihintay lang kitang tanungin ako kung gusto kong magchat at agad naman akong pupunta sa shopping center. Sinubukan ko ring mag-wifi kanina sa Mass Comm at titingnan ko sana kung online ka kaso ipinakita sa akin ni Kuya A ang dismantled wifi.

Ewan ko. Napapraning ako.

Hindi ko alam kung pano pumunta kina Whena. Gabi na at susuungin ko nang mag-isa ang mapanganib na daan. Kasama si Alunsina.

Natatakot ako.

Sana magparamdam ka mamaya. Kapapadala ko lamang ng aking liham, pasensya na at hindi mo inabutan bago ka magpahinga.

Galingan mo bukas, kaya mo 'yan.

Lagi kang mag-iingat.

Mahal ka sa akin.


--kirika--
3:11 AM


Ang Simula
Sunday, October 22, 2006


Rhay,

Para sa iyo ang blog na ito. Simula ngayon, lahat ng lalamnin ng pahinang ito ay magsisilbing bukas na liham para sa iyo. Sana'y magawa kong araw-araw na makapagsulat para sa iyo. Pero syempre hindi rito magtatapos (dahil gusto mo ng "tunay" na liham o 'yung snail mail). At i-e-email din kita.

Ilang oras na rin ako sa internet, nagbabaka-sakaling magtatagpo tayo. Hindi ko inaabutan ang mga text mo. Kaninang umaga, ikaw ang gumising sa akin. Nung sumagot ako huli na. Tapos kaninang hapon, nagtext ka ulit, marami, hindi ko na naman nasagot. Nakakainis. Muntik na kaming magka-chat ni Reysan pero bigla siyang nag-offline.

Ikaw, kailan kita makakausap? Kailan tayo mag-aabot?

Mag-iingat ka riyan ha?

Tuparin mo ang mga pangako mo, at ganoon din ako.

Ang hirap ng ganito, mabuti kasama ko mga kaibigan natin kagabi, inaliw naman nila ako kahit na wala akong ginawa kundi ngumalngal.

Nangungulila,
Rica


--kirika--
2:17 AM



Tuesday, October 03, 2006



Aalis ka na.

Ilalayo ka na ng mga alon sa akin.

Iingatan ka nila, alam ko.

Lagi't lagi, laman ka ng aking mga panalangin.

Sana'y hindi ka makalimot.

Sa dalampasigan, doon mo maririnig ang aking bawat bulong.

Maghihintay ako sa iyong muling pagdaong.

Sa islang higit na nakakikilala sa bakas ng ating mga paa,

ng ating mga kaligayaha't hinagpis,

ng ating mga pangarap.

Hanggang sa muli.

Maligayang paglalayag.

Mahal ka sa akin.


--kirika--
12:04 PM



Tuesday, September 19, 2006


bakit sa tubig ka magsusulat?

makakapagsulat ka ba sa tubig?

ano ang mayroon sa tubig?

ano sa tingin mo?






naroon ako.


--kirika--
9:28 AM


Siyang Lumalangoy
_____________________

halika't magtapak. samahan mo akong maglakad sa ibabaw ng buhanging kulay abo. damhin ang galas nito sa talampakan. tayo nang lumusong sa mapanghalinang karagatan.

Pagnanasa
_____________________

ang nais ko lamang ay ang makipagniig sa tubig

Mga Sumisisid
_____________________

coreen
mykel
poi
wav
baca
kai
mel
ronell
editme

Titik sa Buhangin
_____________________

Disenyo: Slayerette
Larawan: Google
Kaloob ng: Imageshack

Magtampisaw
_____________________

Mga Kabibe
_____________________

September 2006
October 2006
November 2006
December 2006